Nadakip ng mga awtoridad ang dalawang lalaki matapos ang matagumpay na buy-bust operation laban sa ilegal na droga sa Barangay Puerto, Cagayan de Oro City noong Hunyo 12, 2026.

Ayon sa ulat, pinangunahan ng City Drug Enforcement Unit ng Cagayan de Oro City Police Office ang operasyon, katuwang ang 1001st Company ng Regional Mobile Force Battalion 10, CMFC COCPO, at ang Philippine Drug Enforcement Agency Region 10.

Naaresto ang dalawang suspek na may edad 32-anyos at 37-anyos, kapwa residente ng Misamis Oriental.

Nasamsam sa operasyon ang mahigit dalawang kilo ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 2,030 grams, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱13,804,000.00 sa standard drug price. Nakuha rin ang buy-bust money, cellphone, mga personal na gamit, drug paraphernalia, at isang motorsiklo na umano’y gamit sa ilegal na transaksyon.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Cagayan de Oro City Police Office ang mga suspek para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng mga kaso.

Pinasalamatan ng pamunuan ng Philippine National Police ang mabilis at koordinadong operasyon ng mga yunit na sangkot, na patunay umano ng patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga sa bansa.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahalaga ang tuloy-tuloy at pinatinding operasyon upang maputol ang galaw ng mga sindikato ng droga sa komunidad.

Bahagi ang operasyon ng mas pinalakas na kampanya ng PNP sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations, alinsunod sa direktiba para sa mas maayos, episyente, at responsableng pagpapatupad ng batas sa buong bansa.