Patuloy na pinalalakas ng pamahalaang Bangsamoro ang mga institusyong nagsusulong ng serbisyong pangrelihiyon at paggabay sa mamamayan.
Ito ang binigyang-diin ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua matapos niyang bisitahin ang Bangsamoro Endowment, Call and Guidance Center upang personal na inspeksyunin ang takbo ng operasyon nito at ang patuloy na pagtatayo ng pasilidad ng tanggapan.
Ayon kay Macacua, mahalagang mapatatag ang mga institusyong nagbibigay ng serbisyo at gabay sa publiko, lalo na yaong may mahalagang papel sa pagpapalalim ng pananampalataya at pagpapalaganap ng mga pagpapahalagang Islamiko sa rehiyon.
Binigyang-diin din ng punong ministro na bahagi ito ng layunin ng administrasyon na bumuo ng mas matatag na Bangsamoro sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga programang nakatuon hindi lamang sa kapakanan ng mamamayan kundi maging sa kanilang espiritwal na pag-unlad.
Inaasahang higit pang mapapalawak ang serbisyo ng Bangsamoro Endowment, Call and Guidance Center sa oras na makumpleto ang konstruksyon ng pasilidad nito, na magsisilbing sentro ng mga programang pang-edukasyon, paggabay, at pagpapalalim ng pananampalataya para sa mga residente ng BARMM.

















