Dumating sa Maguindanao del Sur ang mga police contingents mula sa Police Regional Office 12 at Police Regional Office 13 bilang dagdag-puwersa para sa seguridad ng 2026 BARMM Parliamentary Elections.
Personal na sinalubong ni Maguindanao del Sur Police Provincial Director PCOL Michael John C. Mangahis ang mga tauhan ng PRO 12 at PRO 13 sa kanilang pagdating sa lalawigan.
Itinalaga ang mga ito bilang Quick Reactionary Forces o QRF, na nakahandang rumesponde sa anumang banta o insidente sa panahon ng halalan.
Kabilang sa kanilang mga tungkulin ang pagbabantay sa COMELEC facilities at polling centers, gayundin ang pagtiyak sa seguridad ng election materials, personnel, botante at Special Electoral Board.
Makikipag-ugnayan ang mga karagdagang puwersa sa COMELEC, Armed Forces of the Philippines at mga lokal na pamahalaan upang mapanatili ang ligtas, maayos at mapayapang pagsasagawa ng halalan sa lalawigan.
Ayon sa Maguindanao del Sur Police Provincial Office, ang deployment ay bahagi ng pinaigting na paghahanda ng PNP upang maprotektahan ang halalan at mapanatili ang seguridad ng mga mamamayan sa BARMM.

















