Isinagawa ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office o MDSPPO ang province-wide Anti-Bullying Information Drive para palawakin ang kaalaman ng mga mag-aaral at komunidad hinggil sa bullying at iba pang usaping pangkaligtasan.

Pinangunahan ng Provincial Community Affairs and Development Unit o PCADU, sa ilalim ni PLT Saturnina M. Manglangkat, ang mga aktibidad sa Datu Hoffer Ampatuan Central Elementary School at Datu Abdullah Sangki Central Elementary School, katuwang ang mga lokal na himpilan ng pulisya.

Tinalakay sa mga mag-aaral at residente ang iba’t ibang anyo ng bullying, mga posibleng epekto nito, at mga paraan kung paano ito maiiwasan at maiuulat sa kinauukulan.

Namahagi rin ang mga pulis ng mga flyer na naglalaman ng mga safety protocol sakaling magkaroon ng mga insidenteng may kaugnayan sa armadong kaguluhan.

Kasabay nito, pinalawak ang kampanya sa iba pang paaralan sa iba’t ibang munisipalidad sa lalawigan, kung saan isinagawa rin ang mga hakbang para mapalakas ang seguridad at police visibility sa mga paaralan.

Ayon sa MDSPPO, bahagi ito ng kanilang mga hakbang upang maprotektahan ang mga mag-aaral at guro at mapalakas ang kaalaman ng komunidad tungkol sa bullying at iba pang banta sa kaligtasan.