Sinibak na sa pwesto ang isang pulis matapos itong masangkot sa viral CCTV footage kung saan makikitang sinasaktan at pinagbubugbog nito ang isang babae.

Ayon kay PCOL. Jay Baybayan, Officer-in-Charge Director ng Bulacan Provincial Police Office, matagal nang magka-live in partner ang suspek at ang biktima, at naganap umano ang insidente noong March 12.

Batay sa paunang imbestigasyon, selos ang isa sa mga tinitingnang dahilan ng pananakit. Gayunman, tumanggi umanong magbigay ng pahayag ang pulis na sangkot nang ipatawag ito ng mga awtoridad.

Samantala, sinabi naman ng biktima na nakahanda siyang magsampa ng kaso laban sa kinakasamang pulis.

Kinumpirma rin ni PLTCOL. Rommel Geneblazo na nakatalaga sa kanilang himpilan ang nasabing pulis, na ngayon ay relieved na sa kanyang pwesto at nasa restrictive custody habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon.

Sa official statement ng Malolos City Police Station, sinabi nitong kinuha na ang service firearm at PNP ID ng suspek upang matiyak na hindi ito magamit sa anumang uri ng pananakot o pang-aabuso habang iniimbestigahan ang insidente.

Mariin ding kinondena ng Malolos PNP ang anumang uri ng karahasan, lalo na laban sa kababaihan, at iginiit na hindi nila kinukunsinti ang anumang paglabag sa batas at sa umiiral na regulasyon ng Philippine National Police.

Sa ngayon, patuloy na kinukuha ng mga imbestigador ang salaysay ng magkabilang panig upang matiyak ang patas at masusing paglilinaw sa nangyari. Kasalukuyan na ring nasa himpilan ng Malolos City Police Station ang biktima para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa naturang pulis.

Tiniyak naman ng National Police Commission o NAPOLCOM na kanilang babantayan ang imbestigasyon at sisiguraduhing maipatutupad ang hustisya sa kaso ng karahasan laban sa kababaihan.