Nakapagtala ng tatlong magkakasunod na pagsabog na sinundan ng sunod-sunod na putok ng baril kagabi Setyembre 28 sa Mother Barangay Kalanganan, Cotabato City.
Ayon kay Lieutenant Colonel Ronald E. Suscano, spokesperson ng 6th Infantry Division o 6ID, wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente batay sa report na kanilang natanggap.
Agad namang nakipag-ugnayan ang 6ID sa Philippine National Police o PNP sa Cotabato City upang magsagawa ng security patrol at alamin ang nangyari sa lugar.
Sinabi ni Suscano na humupa rin ang putukan pagdating ng mga security forces, habang patuloy namang sinusuportahan ng AFP ang imbestigasyon ng PNP.
Nanindigan ang militar na dapat managot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas kaugnay ng pagpapaputok na maaaring nagdulot ng pangamba sa mga residente.
Wala pa namang natutukoy na partikular na grupo o pangalan ng mga nasa likod ng insidente.
Gayunman, tinitingnan ng AFP ang posibilidad na may kaugnayan ang insidente sa mga naging kaguluhan sa parehong lugar bago at habang panahon ng halalan.
Hinimok naman ni Suscano ang sinumang may impormasyon tungkol sa nangyari na makipag-ugnayan sa PNP upang makatulong sa isinasagawang imbestigasyon.
Tiniyak naman ng 6ID at Joint Task Force Central na mananatili ang kanilang presensya sa Cotabato City upang mabilis na makaresponde sakaling magkaroon ng panibagong kaguluhan.
Ayon kay Suscano, patuloy na tututukan ng mga security forces ang mga lugar na base sa kanilang assessment ay nangangailangan ng dagdag na seguridad.
Samantala, sinabi ni Suscano na nasa red alert status ang AFP mula Agosto 15 hanggang Setyembre 29.
Pag-uusapan naman ng mga kinauukulang opisyal kung kinakailangang palawigin pa o wakasan ang naturang alert status.

















