Hindi tinanggap ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof A. Macacua ang courtesy resignation na inihain ni Minister Mohagher M. Iqbal ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE).
Sa opisyal na liham na may petsang Hulyo 14, 2025 (19 Muharram 1447 AH), ipinabatid ng Tanggapan ng Chief Minister na matapos ang masusing pagsusuri at ebalwasyon, ay hindi tinatanggap ang pagbibitiw ni Iqbal.
Bilang tugon, pinayuhan si Minister Iqbal na ipagpatuloy ang kanyang mga tungkulin bilang kalihim ng MBHTE.
Natanggap ng kampo ni Iqbal ang naturang liham ngayong Hulyo 15, 2025.
Si Minister Iqbal ay kinikilalang beterano sa larangan ng edukasyon at kapayapaan sa rehiyon, at isa sa mga pangunahing lider ng Bangsamoro peace process.