Arestado ang isang hinihinalang drug peddler matapos makumpiskahan ng tinatayang P680,000 halaga ng shabu sa isang operasyon ng pulisya sa Barangay Mipantao Gadongan, Marawi City.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Khalil,” isang nasa hustong gulang, na nahuli umano habang nasa kanyang pag-iingat ang ilegal na droga. Ayon sa mga awtoridad, ang nakumpiskang shabu ay may standard drug price na umaabot sa P680,000.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Marawi City Police Station ang suspek kasama ang mga ebidensyang narekober para sa wastong dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso alinsunod sa umiiral na batas.
Pinuri naman ni PBGEN JAYSEN C. DE GUZMAN, Regional Director ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), ang mabilis at maayos na koordinasyon ng mga operatiba ng Marawi City Police Office na nagresulta sa matagumpay na operasyon.
Hinimok din niya ang publiko, lalo na ang mga komunidad sa Bangsamoro, na manatiling mapagmatyag at patuloy na makiisa sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad.
Muling iginiit ng PRO-BAR ang kanilang matibay na pangako na paigtingin ang mga operasyon kontra ilegal na droga upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan sa buong rehiyon.

















