Isinagawa ang peace dialogue at rido settlement sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur kahapon Oktubre 7 upang maresolba ang alitan at maiwasan ang muling paglala ng tensyon sa lugar.
Pinangunahan ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office o MDS PPO sa ilalim ni Provincial Director PCOL Michael John C. Mangahis ang dayalogo, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Shariff Aguak, Municipal Police Station, 34th Infantry Battalion, Philippine Army, CCCH representatives at mga kinatawan ng BIAF.
Dumalo rin ang mga kinatawan ng 118th at 105th Base Commands ng BIAF na nagkaroon ng pagkakataong ilahad ang kanilang mga hinaing at pag-usapan ang posibleng mapayapang kasunduan.
Binigyang-diin sa dayalogo ang maximum restraint, respeto sa bawat panig at tuloy-tuloy na komunikasyon upang maiwasan ang karahasan at maprotektahan ang mga komunidad.
Inaasahang makatutulong ang naturang hakbang sa pagpapatibay ng pagkakasundo at pagtataguyod ng kapayapaan at kaunlaran sa Maguindanao del Sur.

















