Nagtipon ngayong Martes, Hunyo 30, ang mga miyembro ng Regional Peace and Order Council (RPOC) para sa ikalawang quarter meeting nito para sa taong 2026 na ginanap sa Diamond Hotel sa Malate, Maynila.

Sa pulong, tinalakay ng mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kasalukuyang sitwasyon ng kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Kabilang sa mga pangunahing agenda ang paghahanda para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliament Election, ang ulat hinggil sa pagpasok o recruitment ng mga kwalipikadong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) sa Philippine National Police (PNP), gayundin ang mga pinakahuling hakbang sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Tinalakay rin sa pagpupulong ang mga usaping may kaugnayan sa nalalapit na halalan at mga panukalang resolusyon na nangangailangan ng agarang aksyon ng konseho.
Ayon sa RPOC, layunin ng pagpupulong na higit pang palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga programa at mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa buong Bangsamoro Region.
Inaasahan ding magsisilbing gabay ang mga napagkasunduan sa pulong sa pagpapatibay ng ugnayan ng mga ahensya para sa mas ligtas at mas mapayapang BARMM, lalo na sa nalalapit na halalan.

















