Tinanggihan ng Regional Trial Court Branch 170 ng Malabon City ang hiling ng Irma Fishing and Trading Inc. na maglabas ng Writ of Preliminary Injunction para pansamantalang payagang mag-operate ang kanilang commercial fishing vessels sa loob ng 15-kilometer municipal waters.
‎
‎Sa Omnibus Orders na inilabas noong Mayo 22, 2026, sinabi ng korte na hindi napatunayan ng kumpanya ang malinaw at hindi mapag-aalinlanganang legal na karapatan para mabigyan ng injunction.
‎
‎Ang kaso ay may kaugnayan sa pagkuwestiyon ng Irma Fishing sa ilang probisyon ng Republic Act No. 8550 o Philippine Fisheries Code of 1998, partikular sa Sections 16, 17 at 18.
‎
‎Kabilang sa mga kinukuwestiyon ng kumpanya ang mga patakaran sa municipal waters at ang mga limitasyon sa operasyon ng commercial fishing vessels sa naturang mga lugar.
‎
‎Ayon sa Irma Fishing, mayroon itong mga lisensya para sa commercial fishing at ilang fishing vessels na umaabot sa mahigit tatlong gross tons.
‎
‎Iginiit ng kumpanya na naapektuhan ang operasyon nito dahil sa mga paghihigpit sa commercial fishing sa loob ng municipal waters.
‎
‎Gayunman, sinabi ng korte na ang pagkakaroon ng commercial fishing license ay hindi nangangahulugang mayroon nang walang kondisyong karapatang mangisda sa municipal waters.
‎
‎Ayon sa korte, para sa commercial fishing operations sa 10.1 hanggang 15-kilometer zone, kailangan pa ring sundin ang mga umiiral na batas at kumuha ng kaukulang pahintulot mula sa local government unit.

‎‎Isa sa mga naging batayan ng korte sa pagtanggi sa injunction ay ang Presidential Decree No. 605.
‎
‎Sa ilalim nito, nililimitahan ang kapangyarihan ng mga korte na mag-isyu ng restraining order o preliminary injunction sa mga kasong may kaugnayan sa mga lisensya, permit, concession at iba pang public grants para sa paggamit at pagpapaunlad ng natural resources.
‎
‎Bukod dito, sinabi ng korte na hindi rin napatunayan ng Irma Fishing na may agarang panganib ng pinsalang hindi maaaring mabayaran o maitama sa pamamagitan ng ibang legal na remedyo.
‎
‎Ayon sa korte, ang mga usapin sa karapatan ng kumpanya na makapangisda sa naturang lugar ay may mga factual at legal na isyung kailangan pang resolbahin.
‎
‎Kasabay nito, tinanggihan ng korte ang mosyon ng Irma Fishing na ideklarang in default ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR at Department of Agriculture.
‎
‎Ayon sa korte, napapanahon ang paghahain ng Verified Answer ng mga respondent noong Abril 30, 2026.
‎
‎Tinanggap din ng korte ang Reply ng petitioner, habang tinanggihan naman ang mosyon ng respondents na i-strike o alisin ang naturang pleading.
‎
‎Samantala, karamihan sa iniharap na documentary evidence ng Irma Fishing ay tinanggap ng korte, maliban sa isang unpublished Philippine Journal of Fisheries article at mga kaugnay nitong submarkings.
‎
‎Ayon sa korte, hindi napatunayan ang kinakailangang authentication para tanggapin ang naturang dokumento bilang ebidensiya.
‎
‎Mahalagang linawin na ang desisyon ng korte ay tungkol sa hiling na Writ of Preliminary Injunction at hindi pa pinal na desisyon sa pangunahing usapin ng constitutional challenge ng Irma Fishing.
‎
‎Ibig sabihin, hindi pa rito tuluyang pinagpasiyahan ng korte kung labag sa Konstitusyon ang mga kinukuwestiyong probisyon ng Fisheries Code.
‎
‎Sa ngayon, nananatili ang mga umiiral na batas at regulasyon na nagtatakda ng mga limitasyon at requirements para sa commercial fishing operations sa municipal waters.
‎
Samantala, nagsumite ang isang municipal fisherfolk na si Ka Dodoy Ballon ng Omnibus Motion kung saan ninanais niyang mag “Intervene” sa kaso sa pamamagitan ng kanyang mga abogado na sina Atty. Christian Monsod, Atty. Aison S. Garcia at Leflegis Legal Services.