Arestado ang isang suspek matapos maisagawa ang search warrant operation ng mga awtoridad sa Purok Duranta, Barangay Tigbawan, Pigcawayan, Cotabato kahapon, June 18, 2026.
Ayon sa ulat ng Pigcawayan Municipal Police Station, isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng 2nd Cotabato Provincial Mobile Force Company at Provincial Police Drug Enforcement Unit bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra kriminalidad at iligal na droga sa lugar.
Kinilala ang suspek sa alyas Tol na agad na inaresto matapos ang operasyon.
Nakumpiska mula sa kanya ang siyam (9) na sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 3.6 gramo at tinatayang street value na P24,480.00, at dalawang (2) pakete ng hinihinalang marijuana na may bigat na 5.15 gramo na may halagang P1,545.00.
Nasamsam din sa operasyon ang isang MK2 fragmentation hand grenade, isang 12-gauge shotgun na walang serial number, isang .45 caliber Colt MKIV pistol na may magazine, at iba’t ibang bala.
Isinagawa ang imbentaryo at pagmamarka ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng mga saksi at ng suspek, alinsunod sa tamang police procedure.
Dinala ang suspek sa Pigcawayan Municipal Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang proseso, habang ang mga nakumpiskang ebidensya ay isasailalim sa pagsusuri ng Provincial Forensic Unit sa Kidapawan City.
Ayon sa mga awtoridad, ang matagumpay na operasyon ay patunay ng kanilang patuloy na pagsisikap na palakasin ang kampanya kontra iligal na droga, armas, at kriminalidad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

















