Pinabulaanan ng pamahalaang bayan ng Shariff Aguak ang kumakalat na ulat sa social media tungkol umano sa naganap na kaguluhan sa bayan ngayong araw ng Martes Setyembre 29, 2026.

Ayon sa opisyal na pahayag ni Vice Mayor Mohamad Akmad “Oping” B. Ampatuan Jr., walang naganap na bakbakan o insidente ng karahasan sa lugar na tinukoy sa kumakalat na impormasyon.

Agad umanong nagsagawa ng beripikasyon at inspeksyon ang mga opisyal ng barangay at mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPAT) matapos matanggap ang ulat.

Gayunman, sinabi ng pamahalaang bayan na nagkaroon ng tensyon sa isang sitio sa isang barangay, ngunit agad itong na-neutralize sa koordinasyon ng mga punong barangay, mga kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), at ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities-MILF (CCCH-MILF).

Nilinaw ng opisyal na walang naganap na bakbakan at nanatiling maayos ang sitwasyon sa lugar.

Batay sa isinagawang beripikasyon, walang naitalang kaguluhan o karahasan sa mga barangay sa oras na kumalat ang naturang ulat. Patuloy rin umano ang normal na pamumuhay ng mga residente.

Nanawagan naman ang pamahalaang bayan sa publiko na huwag agad maniwala o magbahagi ng impormasyon na hindi pa beripikado, at sa halip ay umasa sa mga opisyal na anunsyo mula sa pamahalaang bayan at mga kinauukulang awtoridad.

Binigyang-diin din ng pamahalaang bayan na ang pagpapakalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng takot at kaguluhan ay maaaring magkaroon ng kaukulang legal na pananagutan.

Samantala, sinabi ni Ampatuan na nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa mga kinauukulan upang matukoy ang pinagmulan ng kumakalat na impormasyon at mapag-aralan ang nararapat na legal na hakbang.