Viral sa social media ang video ng alkalde ng Tupi, South Cotabato na si Mayor Romeo Tamayo matapos siyang atakihin ng hypoglycemia o biglaang pagbaba ng blood sugar level sa kalagitnaan ng kaniyang State of the Municipality Address (SOMA) nitong Lunes, Setyembre 8.
Makikita sa video na napatigil at tila nanghina si Mayor Tamayo habang nagsasalita, dahilan upang mabahala ang mga nanonood sa municipal gym at ikabigla ng mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Ayon sa pamangkin ng alkalde na si South Cotabato Governor Jun Tamayo, mabuti na lamang at agad na naalalayan ang kaniyang tiyuhin at napaupo bago pa man tuluyang bumagsak.
Kinumpirma ng LGU-Tupi at mismo ni Governor Tamayo na nasa ligtas nang kondisyon si Mayor Tamayo. Nagpasalamat naman ang pamilya sa lahat ng nanalangin para sa agarang paggaling ng alkalde.