Tinambangan ng riding-in-tandem ang tatlong sundalo sa Indanan, Sulu kahapon Agosto 12, 2026, na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng dalawa pa.

Batay sa ulat ng Indanan Municipal Police Station, dakong alas-8:20 ng umaga nang mangyari ang insidente sa bahagi ng KM 4, Sitio Kasambuhan, Barangay Tagbak.

Pauwi na umano sa kanilang kampo ang tatlong sundalo matapos sumailalim sa Physical Fitness Test sa Division Headquarters nang sundan sila ng dalawang suspek na sakay din ng motorsiklo.

Pagdating sa nasabing lugar, bigla silang pinagbabaril ng mga salarin gamit umano ang kalibre .45 na baril bago mabilis na tumakas.

Kinilala ang nasawing sundalo na si Cpl. Aldrin A. Wanson, 34-anyos, habang sugatan naman ang dalawa pang kasamahan nito.

Batay sa imbestigasyon, nagtamo ng tama ng bala sa likod ng ulo si Wanson na naging sanhi ng kanyang pagkamatay, habang nagtamo naman ang dalawang kasamahan nito ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad na isinugod sa pagamutan ang dalawang sugatang sundalo para sa kaukulang lunas, habang dinala naman sa kanilang headquarters ang labi ni Wanson.

Sa isinagawang scene investigation, nakarekober ang Scene of the Crime Operations o SOCO team ng ilang basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa kalibre .45 na baril.

Patuloy ang hot pursuit operation at follow-up investigation ng pulisya at militar upang matukoy ang pagkakakilanlan at maaresto ang mga suspek, habang minomonitor din ang mga posibleng daanan na kanilang tinahak.

Patuloy ding inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa likod ng pamamaril.