Arestado ang isang suspek matapos umanong magbenta ng pekeng mantika sa isang may-ari ng karinderya sa Davao City.

Kinilala ang biktima na si Maria, na bumili ng umano’y murang mantika sa halagang P65 kada kilo, o P25 na mas mababa kaysa sa karaniwang presyo sa merkado.

Ayon sa biktima, sinabi ng suspek na direkta umanong galing sa pabrika ang produkto kaya nagpasya siyang bumili.

Ngunit nang buksan na ang lalagyan, nadiskubre niyang maliit na supot lamang ang may tunay na mantika habang ang natitirang laman ng container ay tubig.

Matapos ang insidente, agad na naaresto ang hindi pinangalanang suspek at kasalukuyang nakakulong sa San Pedro Police Station habang inihahanda ang kasong isasampa laban dito.

Samantala, nagbabala si Maria sa kapwa niya negosyante, lalo na sa mga may-ari ng karinderya, mini store, at fried chicken business, na mag-ingat sa mga nag-aalok ng produktong may presyong lubhang mababa.

Pinayuhan din ng mga awtoridad ang publiko na tiyaking lehitimo ang mga produktong binibili at agad na iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang transaksyon.