Tatlong lalaki ang inaresto at mahigit Php 15.6 milyon na kagamitan sa pagmimina ang nakumpiska ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang anti-illegal mining operation sa Brgy. Tumpagon, Cagayan de Oro City noong Mayo 4, 2026, mula alas-5 ng hapon hanggang alas-11:50 ng gabi.
Ayon sa ulat na natanggap ni PMGEN Robert AA Morico II, Direktor ng CIDG, ang mga suspek na nakilalang sina “Fred, Boy, at Jake,” ay nahuli habang nagsasagawa ng pagmimina sa isang lugar nang walang kaukulang permit mula sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Dahil dito, ang operasyon ay itinuturing na illegal sa ilalim ng Republic Act No. 7942 (Philippine Mining Act of 1995).
Nakumpiska rin ng CIDG ang mga heavy equipment at mining machines na ginagamit sa operasyon, kabilang ang mga backhoe, water pump, welding machine, generator set, trommels, at iba pang kagamitan, na may tinatayang halaga na Php 15,600,000.
Binigyang-diin ni PMGEN Morico na alinsunod sa batas, ang lahat ng mineral resources sa pampubliko at pribadong lupain sa teritoryo at exclusive economic zone ng Pilipinas ay pag-aari ng Estado. Ang tamang paggalugad, paglinang, paggamit, at pangangalaga sa mga likas na yaman ay pinagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor upang mapaunlad ang bansa nang hindi nasasakripisyo ang kapaligiran at karapatan ng mga apektadong komunidad.
Ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng OPLAN KALIKASAN ng CIDG, alinsunod sa program thrust ng Chief ng Philippine National Police, POLICE GENERAL JOSE MELENCIO C. NARTATEZ JR.
Pinuri ng CIDG ang Regional Chief ng CIDG Regional Field Unit 10, PCOL Jonathan B. Papay, at PMAJ Gerson A. Soliven, pinuno ng CIDG Cagayan de Oro City, sa kanilang matatag na aksyon laban sa illegal mining.
Ayon sa CIDG, ang operasyong ito ay nagpapakita ng kanilang dedikasyon sa proteksyon ng kalikasan at natural na yaman, at nagpapaalala sa publiko na iulat ang anumang paglabag sa batas pangkalikasan tulad ng illegal mining, illegal quarrying, illegal logging, at illegal fishing upang maagapan ang pinsala sa kapaligiran.

















