Arestado ng mga awtoridad ang isang most wanted person na kabilang sa Top 4 sa provincial level ng Basilan at Top 8 sa municipal level ng Lamitan City.

Kinilala ang suspek na si alyas Madj, 44-anyos, may asawa, incumbent barangay treasurer at residente ng Barangay Simbangon, Lamitan City, Basilan.

Arestado ito dakong alas-9:20 ng umaga kahapon Agosto 7 sa Land Bank of the Philippines sa Barangay Malinis, Lamitan City, Basilan.

Isinagawa ang operasyon ng CIDG BASULTA PFU-Basilan Team bilang lead unit, katuwang ang 53rd Special Action Company, Basilan Police Provincial Office-Provincial Intelligence Unit, 18th Infantry Battalion, Lamitan City Police Station, at Maritime Police Station Basilan.

Inaresto ang suspek batay sa limang warrant of arrest na inisyu ni Judge Leo Jay T. Principe ng Regional Trial Court Branch 1, 9th Judicial Region, Isabela City, Basilan.

Nahaharap ang suspek sa kasong murder, dalawang bilang ng attempted murder, at dalawang bilang ng frustrated murder na nag-ugat sa insidente ng pamamaril at ambush noong Abril 3, 2023 sa Barangay Maloong, Lamitan City.

Sa naturang insidente, nasawi si Omar Akirin habang nasugatan sina Hon. Robert Jalal at Akil Boboy Nasala.

Ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine gamit ang wikang kanyang lubos na nauunawaan.

Nasa kustodiya na ngayon ng CIDG Basilan PFU ang suspek para sa dokumentasyon at kaukulang proseso, habang nagpapatuloy ang koordinasyon sa korte na naglabas ng mga warrant.