Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at iba pang law enforcement units ang Top 1 Most Wanted Person sa antas ng probinsya ng Maguindanao del Sur at Top 9 Most Wanted Person sa antas ng rehiyon sa isinagawang operasyon sa General Santos City International Airport nitong Sabado ng madaling-araw.
Kinilala ang suspek na si alyas Nexon o Nelson, na umano’y miyembro ng DI-Hassan Group at residente ng Barangay Labu-Labu Mother, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.
Dakong alas-5:07 ng umaga nang matukoy at maaresto ang akusado habang sumasailalim sa security screening sa Initial Security Screening Checkpoint ng paliparan sa Barangay Tambler, General Santos City.
Pinangunahan ng Provincial Intelligence Unit ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office ang operasyon katuwang ang iba’t ibang yunit ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Civil Aviation Authority of the Philippines, at iba pang law enforcement agencies.
Isinilbi laban kay alyas Nexon o Nelson ang warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 15 sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong May 18, 2026 kaugnay ng walong kaso ng murder at frustrated murder, gayundin ng isang kaso ng robbery with violence against or intimidation of persons.
Ayon sa ulat, walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Iniuugnay rin si alyas Nexon o Nelson sa pananambang sa mga tauhan ng Philippine National Police noong Marso 28, 2026 sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur na ikinasawi ng limang pulis habang tatlo pa ang nasugatan.
Matapos ang kanyang pagkakaaresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatan alinsunod sa umiiral na batas bago isinailalim sa medical examination sa Maguindanao Provincial Hospital.
Kasalukuyang nasa kustodiya siya ng PNP Aviation Security Unit 12 habang hinihintay ang kanyang paglilipat sa Shariff Aguak Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon at pagsasakatuparan ng mga legal na proseso.
















