Isang pangarap na kasal ang nauwi sa trahedya matapos masawi si 1Lt. April John Dadulla, isa sa dalawang piloto ng FA-50 fighter jet ng Philippine Air Force na bumagsak sa Kalatungan Mountain Range, Brgy. Miarayon, Talakag, Bukidnon.
Nakatakda sanang ikasal si Dadulla sa kanyang kasintahan—na isa ring piloto ng Philippine Air Force—sa darating na Marso 15. Naisagawa na nila ang kanilang prenup shoot bilang paghahanda sa kanilang nalalapit na pag-iisang dibdib, ngunit sa halip na tunog ng wedding bells, pagluluksa ang bumalot sa kanilang pamilya at mga kaibigan.
Kasama ni Dadulla sa trahedya ang co-pilot nitong si Maj. Jude Salang-oy. Pareho silang nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) at PAFOCS, at kapwa itinuturing na mahuhusay at dedikadong piloto ng bansa.
Sa gitna ng dalamhati, patuloy ang imbestigasyon sa insidente habang nagluluksa ang buong komunidad ng Philippine Air Force sa biglaang pagkawala ng dalawa sa kanilang pinakamahuhusay na kasamahan.