Nagdudulot ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang trough o buntot ng Tropical Storm Choi-Wan sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Ayon sa PAGASA, kabilang sa makararanas ng ganitong panahon ang Eastern Visayas, Caraga at Davao Oriental, kung saan posible ang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa paminsan-minsang malakas na pag-ulan.

Samantala, makararanas naman ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan, na may isolated rainshowers o thunderstorms, ang Northern Mindanao at nalalabing bahagi ng Davao Region.

Posible rin ang flash floods at landslides sa mga lugar na makararanas ng malalakas na thunderstorms.

Batay sa huling datos ng PAGASA alas-3 kaninang madaling araw, nasa layong 2,945 kilometro silangan ng Central Luzon ang Tropical Storm Choi-Wan.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 75 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugsong umaabot sa 90 kilometro kada oras, habang kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Sa ngayon, nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyo.