Kinansela na ng Department of Science and Technology–Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) ang tsunami warning na inilabas kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa offshore Sarangani nitong umaga ng June 8.

Ayon sa DOST-PHIVOLCS, naitala ang lindol bandang 7:37 ng umaga sa layong offshore ng Sarangani, may lalim na 33 kilometro at lakas na magnitude 7.8. Dahil dito, agad na naglabas ng tsunami warning para sa mga baybaying lugar sa Sarangani, Basilan, Davao Occidental, South Cotabato, Sultan Kudarat, Sulu, Tawi-Tawi, Zamboanga del Sur, at Zamboanga Sibugay.

Inirekomenda rin noon ang agarang paglikas ng mga residente sa mga apektadong coastal areas.

Sa monitoring ng PHIVOLCS mula 7:45 ng umaga hanggang 9:30 ng umaga, nakapagtala ng minor tsunami waves sa ilang lugar. Pinakamataas na alon ang naitala sa Kiamba, Sarangani na umabot sa 1.48 metro, habang may mga naobserbahan ding pagtaas ng tubig-dagat sa Kalamansig, Sultan Kudarat; Maasim, Sarangani; Zamboanga City; Mati City; at Tandag City.

Gayunman, sinabi ng PHIVOLCS na masyado nang maliit ang mga sumunod na paggalaw ng tubig upang magdulot pa ng pinsala kaya’t tuluyan nang kinansela ang tsunami warning.

Nagbabala naman ang ahensya sa publiko na manatiling alerto sa posibleng malalakas na aftershocks. Pinayuhan din ang mga residente sa baybaying lugar na agad lumikas papunta sa mataas na lugar sakaling maranasan ang malakas na pagyanig, biglaang pagtaas o pagbaba ng tubig-dagat, o makarinig ng malalakas na ugong mula sa dagat — mga senyales ng posibleng tsunami.