Kinilala ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ang Bangsamoro Information Office bilang outstanding institutional partner nito sa Mindanao.

Iginawad ang parangal sa 2026 Outstanding BSP Stakeholders Appreciation Ceremony na ginanap sa Davao City kahapon, Setyembre 28.

Ayon sa BSP, pinarangalan ang BIO dahil sa pagpapalaganap nito ng impormasyon tungkol sa financial literacy at financial inclusion sa mga komunidad sa Bangsamoro.

Tinanggap ng BIO officials at personnel ang parangal, habang sinabi ni BIO Executive Director Ameen Andrew Alonto na magsisilbi itong inspirasyon upang ipagpatuloy ang paghahatid ng napapanahon at mapagkakatiwalaang impormasyon sa publiko.

Samantala, binigyang-diin ni BSP Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat na mahalaga ang papel ng mga stakeholder sa pagdadala ng mga programa at polisiya ng BSP sa mga komunidad.

Mula noong 2004, isinasagawa ng BSP ang taunang pagkilala sa mga partner na tumutulong sa pagpapatupad ng mga mandato nito sa price stability, financial stability at ligtas na payment system.