Pinabulaanan ng Independent Election Monitoring Center o IEMC-BARMM ang kumakalat na ulat na ide-deploy ang Turkish Police sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM para magbantay sa nalalapit na 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections.

Kasunod ito ng kumakalat na post na gumagamit ng larawan ng Turkish National Police at nagsasabing inatasan umano ang mga ito na magbantay sa halalan upang matiyak na walang pandaraya.

Ayon sa IEMC-BARMM, walang dayuhang police force o security personnel mula Turkey ang ide-deploy sa rehiyon para magsagawa ng patrol o election security operations.

Iginiit nitong mananatili sa mga awtoridad ng Pilipinas ang buong kontrol at responsibilidad sa seguridad ng halalan sa BARMM.

Samantala, nilinaw ng IEMC-BARMM na ang tunay na naganap ay ang pag-imbita ni MILF Central Committee Chairman Ahod Al-Haj Murad Ebrahim sa Turkish Embassy upang maging saksi o observer sa makasaysayang halalan sa Setyembre 14.

Bahagi umano ito ng pagpapatuloy ng papel ng Turkey sa International Monitoring Team o IMT, na sumusuporta sa peace process sa pagitan ng MILF at Government of the Philippines.

Binigyang-diin ng IEMC-BARMM na ang papel ng mga Turkish representatives ay limitado sa pagiging saksi o observer at diplomatikong pakikilahok.

Wala rin silang kapangyarihang magpatupad ng batas, magsagawa ng security operations o mangasiwa sa halalan ng Pilipinas.