Muling ipinahayag ng mga miyembro at tagasuporta ng Moro Islamic Liberation Front o MILF–United Bangsamoro Justice Party (UBJP) Basilan Chapter ang kanilang suporta sa liderato ni Former Chief Minister Al Haj Murad Ebrahim sa isinagawang “Unity and Solidarity Program” sa bayan ng Al-Barka.

Idinaos ang aktibidad sa loob ng komunidad ng MILF sa Barangay Guinanta kung saan nagtipon-tipon ang mga kasapi, supporters, at sympathizers ng partido upang pagtibayin ang pagkakaisa at muling ihayag ang suporta sa pamunuan ng UBJP.

Ayon sa mga lokal na lider ng UBJP-Basilan, layunin ng programa na higit pang mapatatag ang hanay ng partido sa lalawigan sa gitna ng mga hamon sa rehiyon, kasabay ng pagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagkakaisa sa ilalim ng liderato ni Ebrahim na nagsilbi ring pinuno ng Bangsamoro government.

Naging tampok din sa programa ang pagsusulong ng mga prinsipyo ng kapayapaan, katarungan, at pag-unlad na patuloy na isinusulong ng UBJP bilang political arm ng MILF.

Nagpasalamat naman ang pamunuan ng partido sa patuloy na suporta ng mga residente at lokal na pwersa ng Al-Barka, na kinikilala bilang isa sa mga matibay na komunidad ng MILF sa lalawigan ng Basilan.