Nagsagawa ng dalawang araw na pagpupulong ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) sa Davao City upang pagtibayin ang mga estratehiya, programa, at direksyon ng partido para sa mga susunod na buwan.

Kabilang sa mga pangunahing aktibidad ang regular na pagpupulong ng Central Party Committee at isang campaign orientation na layong ihanda ang mga miyembro ng partido para sa mga nalalapit na gawain at aktibidad.

Sa naturang pagtitipon, tinalakay rin ang pagpaplano ng mga programa, pagtatalaga ng mga tungkulin, at pagbalangkas ng mga hakbang na isasagawa ng partido sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro region.

Ayon sa pamunuan ng UBJP, layunin ng pagpupulong na malinaw na mailatag ang mga plano, responsibilidad, at obligasyon ng bawat kasapi upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga programa ng partido.

Dumalo sa aktibidad ang lahat ng mga nominado ng UBJP, gayundin ang mga kinatawan mula sa mga lalawigan at lungsod sa Bangsamoro kabilang ang Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Cotabato City, Basilan, Tawi-Tawi, Lanao del Sur, at Marawi City.

Nakiisa rin sa pagtitipon ang mga kandidato ng partido mula sa iba’t ibang sektor bilang bahagi ng paghahanda ng organisasyon para sa mga susunod nitong hakbang at gawain.