Isinagawa sa Marawi City ang serye ng mga aktibidad na naglalayong itaguyod ang pagkakaisa at mapayapang halalan bago ang BARMM Parliamentary Elections sa Setyembre 14, 2026.
Kabilang dito ang unity walk, interfaith rally, peace covenant signing, at candidate’s forum na nilahukan ng Commission on Elections o COMELEC, Philippine Army, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, Lanao del Sur Provincial Office, mga politikal na partido at mga kandidato.
Layunin ng mga aktibidad na palakasin ang pagtutulungan ng mga election stakeholders, law enforcement agencies, mga partidong politikal at kandidato upang matiyak ang paggalang sa karapatan ng bawat isa na makilahok sa proseso ng halalan.
Binigyang-diin din dito ang kahalagahan ng ligtas, maayos, malinis at patas na pangangampanya, gayundin ang isang mapayapa, mapagkakatiwalaan at transparent na halalan sa Bangsamoro.
Pinangunahan ang serye ng mga aktibidad nina Atty. Renault C. Macarambon, Assistant Regional Election Director ng BARMM at concurrent Provincial Election Supervisor ng Lanao del Sur ng COMELEC; PBGEN Christopher M. Abecia, Regional Director ng PRO BAR; BGEN Jessie R. Montoya, Brigade Commander ng 101st Infantry “Three Red Arrows” Brigade, 1ID, Philippine Army; BGEN Yasser R. Bara, Brigade Commander ng 103rd Infantry “Haribon” Brigade, 1ID, Philippine Army; at PCOL Caezar P. Cabuhat, Provincial Director ng Lanao del Sur Provincial Police Office, PRO BAR.

















