Tiniyak ng Cotabato City Police na nananatiling mapayapa ang lungsod kaugnay sa isinasagawang halalan matapos na walang naitalang kaso ng election-related violence o insidente, maliban na lamang sa ilang ulat ng baklasan ng campaign tarpaulins.
Ito ang kinumpirma ni Cotabato City Police Director PCOL Jibin Bongcayao sa naging panayam ng Star FM Cotabato, kung saan kanyang sinabi na ang naturang isyu ay agad namang naaksyunan.
Ayon kay Bongcayao, ang pag-aalis ng mga tarpaulin ang tanging isyung nailapit sa kanilang tanggapan.
Agad namang kinausap ng kapulisan ang mga kinatawan ng dalawang partidong sangkot upang maresolba ang usapin sa maayos at mapayapang paraan.
Dagdag pa ng opisyal, bahagi ito ng pagsunod sa demokratikong proseso at paalala niya na hayaan ang bawat partido na malayang makapangampanya.
Sa ngayon, wala nang naitatalang insidente ng baklasan, at patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng PNP upang masigurong magiging ligtas, mapayapa, at maayos ang eleksyon sa lungsod.