Nauwi sa armadong engkuwentro ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar laban kay Esmael Abubakar, alyas Kumander Bungos, chairman ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters–Bungos Faction (BIFF-BF), madaling araw nitong Linggo, July 5, sa Sitio Tambak, Barangay Calsada, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Bandang alas-1:10 ng madaling araw nang ipatupad ng mga operatiba ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office, katuwang ang 601st Brigade ng 6th Infantry Division ng Philippine Army at mga tauhan ng PNP-Special Action Force, ang pagsisilbi ng mga warrant of arrest laban sa suspek.

Ayon sa ulat, kabilang si Abubakar sa Top 1 Most Wanted Persons sa antas rehiyonal sa BARMM at provincial level sa Maguindanao del Sur. Nakapaloob din umano ang kanyang pangalan sa DND-DILG Joint Order of Rewards para sa mga lokal na teroristang grupo na may katumbas na P3 milyong pabuya.

Batay sa mga awtoridad, napalibutan na ng tactical teams ang lugar at inutusang sumuko nang mapayapa ang suspek matapos ipakilalang mga pwersa ng gobyerno ang mga operatiba. Gayunman, umano’y bumunot ito ng caliber .45 pistol at nagpaputok laban sa mga awtoridad dahilan upang gumanti ng putok ang mga operatiba bilang depensa sa sarili.

Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang isang caliber .45 pistol na may magazine, tatlong live ammunition, at tatlong basyo ng bala.

Kabilang sa mga kinahaharap na kaso ni Abubakar ang murder, frustrated murder, attempted murder, qualified direct assault, at destructive arson na isinampa sa iba’t ibang korte sa Maguindanao.

Ayon pa sa mga awtoridad, sangkot umano ang BIFF-Bungos Faction sa ilang mararahas na pag-atake laban sa mga pwersa ng gobyerno at mga sibilyan, kabilang ang pananambang sa mga tauhan ng Philippine National Police sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong March 2026.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon habang pinoproseso ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at Sultan Kudarat Municipal Police Station ang lugar ng engkuwentro.