Dalawang suspek, kabilang ang isang 16-anyos na menor de edad, ang naaresto sa isang buy-bust operation na isinagawa ng Batad Municipal Police Station katuwang ang Provincial Drug Enforcement Team 3, sa Brgy. Batad Viejo, Batad, Iloilo, bandang 11:30 ng gabi noong Pebrero 19, 2026.
Sa operasyon, nakumpiska ang limang heat-sealed na plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang may bigat na 65 gramo at may halagang ₱442,000, isang caliber .38 revolver, tatlong live ammunition, at iba pang non-drug items.
Ang mga naarestong suspek ay kinilala bilang si alias “Pango,” nasa legal na edad at itinuturing na High-Value Individual (HVI), at ang 16-anyos na menor de edad na itinuturing na Street-Level Individual (SLI). Pareho silang residente ng Batad, Iloilo.
Si alias “Pango” ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Batad MPS para sa karampatang disposisyon, samantalang ang menor de edad ay isinailalim sa Batad Municipal Social Welfare and Development para sa angkop na interbensyon alinsunod sa batas ukol sa kabataan.
Pinuri ni PBGeneral Josefino D. Ligan, hepe ng Western Visayas Police, ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon. “Ang tagumpay na ito ay patunay ng dedikasyon at commitment ng ating mga tauhan sa kanilang tungkulin. Mananatiling masigasig ang ating kapulisan sa Western Visayas upang gawing ligtas at drug-free ang rehiyon para sa lahat,” ani PBGEN LIGAN.
Ang mga suspek ay kakaharapin sa kasong paglabag sa Sections 5 (Illegal Sale of Dangerous Drugs), 11 (Illegal Possession of Dangerous Drugs), at 26 (Conspiracy to Commit Illegal Drug Offenses) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may parusang habambuhay na pagkakakulong at multa mula ₱500,000 hanggang ₱10 milyon.
Bukod dito, sisingilin din si alias “Pango” sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

















