Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 6 ang matagumpay na pagsalakay sa isang hinihinalang drug den sa Barangay Barasan, Pototan, Iloilo alas-4:30 ng hapon noong Abril 29, 2026.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP) Pototan Municipal Police Station at Philippine Coast Guard. Sa naturang buy-bust operation, limang indibidwal ang naaresto na kinilalang sina Anthony (42), Ryan (45), Martin (22), Ranny (27), at Mark (37). Samantala, isang suspek na si Robin ang nakatakas at kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 18 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php 122,400, pati na rin ang marijuana at iba’t ibang drug paraphernalia.
Nahaharap ngayon ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 (pagtitinda), 6 (pagpapanatili ng drug den), 7 (pagbisita sa drug den), 11 (pag-iingat ng ilegal na droga), at 12 (pagmamay-ari ng drug paraphernalia) ng Republic Act 9165.
Ayon sa batas, ang mga naturang paglabag ay may kaukulang mabibigat na parusa kabilang ang mahabang pagkakakulong hanggang habambuhay, at multang maaaring umabot sa Php 10,000,000.
Patuloy naman ang operasyon ng mga awtoridad laban sa ilegal na droga sa rehiyon, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan upang sugpuin ang kriminalidad at mapanatili ang kaayusan sa komunidad.

















