Matagumpay na naipatupad ng Cotabato Police Provincial Office (CPPO) ang Search Warrant No. 26-007 sa Sitio Marabuhay, Barangay Bao, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang suspek na kinilalang si alyas “Ali” at pagkakakumpiska ng ilegal na droga at baril.
Sa isinagawang operasyon, nasamsam mula sa suspek ang isang kalibre .45 na pistola, mga bala, at tinatayang 48 gramo ng hinihinalang shabu na may kabuuang Standard Drug Price na umaabot sa Php 326,400.00.
Ayon sa CPPO, ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng kanilang patuloy na pagsisikap na sugpuin ang paglaganap ng ilegal na droga at loose firearms sa lalawigan. Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Ramel B. Hojilla, na patuloy na nagpapatibay ng koordinasyon sa iba’t ibang yunit ng pulisya at komunidad.
Binigyang-diin din ng CPPO na mahalaga ang kooperasyon ng publiko upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa lugar.
Samantala, nahaharap ngayon ang naarestong suspek sa kaukulang mga kaso kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at illegal possession of firearms.
Patuloy namang ipinapaalala ng kapulisan ang kanilang panawagan sa ilalim ng kampanyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” na naglalayong maghatid ng mas epektibo at mapagkakatiwalaang serbisyo publiko.

















