Nasawi ang isang 49-anyos na magsasaka habang sugatan naman ang isang babaeng bystander matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa harap ng Buluan District Hospital sa Poblacion, Buluan, Maguindanao del Sur, dakong alas-1:30 ng hapon ngayong Miyerkules, Nobyembre 25.
Kinilala ang nasawi na si Aliman Ulama Minalang, residente ng Barangay Tugal, Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur, habang ang sugatang biktima ay si alyas Radj, 42-anyos na vendor at residente ng Poblacion, Buluan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Buluan Municipal Police Station, nakatayo sa harap ng hanay ng mga tindahan si Minalang nang bigla siyang pagbabarilin nang ilang ulit ng mga suspek, dahilan upang magtamo ng mga tama ng bala sa dibdib at tiyan.
Tinamaan naman ng ligaw na bala sa tiyan si alyas Radj na nasa lugar nang mangyari ang pamamaril.
Agad na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon matapos ang insidente.
Kapwa isinugod sa Buluan District Hospital ang mga biktima, subalit idineklarang dead on arrival si Minalang ng attending physician, habang patuloy namang ginagamot si alyas Radj.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang pulisya at nakipag-ugnayan na rin sa mga karatig na himpilan ng pulisya at mga puwersa ng militar para sa dragnet at checkpoint operations.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang mga salarin at motibo sa pamamaril.
















