Nakapagtala ng heat index na aabot sa 40 degrees Celsius ang Cotabato City ngayong Miyerkules, Nobyembre 25, batay sa monitoring ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Pasok ang naturang temperatura sa Extreme Caution category, kung saan posibleng makaranas ng heat cramps at heat exhaustion, habang maaari ring mauwi sa heat stroke ang matagal na pananatili o pagsasagawa ng mabibigat na aktibidad sa ilalim ng matinding init.

Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na uminom ng sapat na tubig, iwasan ang matagal na pagbibilad sa araw, at gumamit ng payong o sumbrero kung kinakailangang lumabas.

Pinapayuhan din ang mga manggagawa at indibidwal na nagsasagawa ng mabibigat na gawain sa labas na magpahinga sa malamig at may lilim na lugar upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng matinding init.