Nasungkit ng dalawang Cotabateno ang puwesto sa Top 10 ng September 2026 Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT), isang proud moment para sa Cotabato City, matapos ilabas ng Professional Regulation Commission (PRC) ang resulta ngayong Miyerkules, Nobyembre 25.

Kinilala sina Nashiema Abdullah Maulid Yusoph at Johnrey Agpalo Maata, kapwa nagtapos ng Bachelor of Elementary Education sa Notre Dame University (NDU) sa Cotabato City.

Nakuha ni Yusoph ang Top 2 sa buong bansa matapos makapagtala ng 95.00 percent na rating, habang nakamit naman ni Maata ang Top 10 sa 93.40 percent na marka.

Itinuturing itong isang proud moment para sa kanilang mga pamilya, paaralan at komunidad ng Cotabato City, kasunod ng kanilang pagkabilang sa mga nanguna sa naturang licensure examination.

Batay sa resulta ng PRC, pumasa ang 95,665 sa kabuuang 132,211 examinees, katumbas ng 72.36 percent na national passing rate.

Isinagawa ang naturang pagsusulit noong Setyembre 20, 2026 sa iba’t ibang testing centers sa bansa at ilang lugar sa ibang bansa.