Labinlimang (15) miyembro ng isang lokal na armadong grupo sa Maguindanao del Sur ang kusang-loob na sumuko sa 90th Infantry Battalion (90IB) ngayong Biyernes, Hunyo 19, 2026 sa Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan.

Kasama ng kanilang pagsuko ang iba’t ibang uri ng armas at kagamitang pandigma na isinuko rin sa mga awtoridad.

Ayon sa ulat, ang mga sumuko ay pormal na ipinrisinta kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaan para sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

Sa ilalim ng Balik-Loob Program, agad na nagbigay ng suporta ang anim na lokal na pamahalaan kabilang ang Datu Saudi Ampatuan, Datu Hoffer, Shariff Aguak, Ampatuan, Datu Unsay, at Datu Abdullah Sangki, katuwang ang Provincial Government ng Maguindanao del Sur, Philippine National Police, at BARMM government.

Kabilang sa mga isinukong armas ang iba’t ibang high-powered firearms tulad ng mga riple, shotgun, grenade launcher, Uzi submachine gun, at improvised explosive devices (IEDs).

Ayon kay Brigadier General Catu, ang naturang boluntaryong pagsuko ay patunay ng patuloy na pagtitiwala ng mga dating rebelde sa programa ng pamahalaan at sa mga hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan.

Sinabi naman ni JTF Central Commander MGen. Jose Vladimir R. Cagara na ang sunod-sunod na pagsuko ay nagpapakita ng paghina ng mga armadong grupo at tagumpay ng whole-of-government approach sa kampanya kontra insurhensiya.

Hinimok din ng militar ang iba pang naliligaw na indibidwal na samantalahin ang mga programang pangkapayapaan ng pamahalaan upang makapagsimulang muli kasama ang kanilang pamilya.

Ayon sa mga awtoridad, patuloy ang koordinasyon ng militar, PNP, at LGUs upang tuluyang mapanatili ang kapayapaan at kaunlaran sa Maguindanao del Sur at sa buong rehiyon.