Pormal nang umanib sa Bangsamoro Federalist Party ang mga opisyal at kasapi ng dalawang Base Command ng Moro Islamic Liberation Front – Bangsamoro Islamic Armed Forces sa lalawigan ng Maguindanao del Sur sa isinagawang oath-taking at serye ng pagpupulong noong Mayo 28, 2026.

Pinangunahan ang unang aktibidad ng 118th Base Command sa Kitango, Datu Piang sa ilalim ng pamumuno ni Base Commander Abdulwahid Halil, kung saan tinatayang nasa 1,251 miyembro ng MILF-BIAF ang dumalo at nagpahayag ng suporta sa partido.

Kasunod nito, isinagawa rin ang pagtitipon ng 105th Base Command sa Adaon, Datu Anggal Midtimbang sa pangunguna ni Base Commander Muhidin Musa, na nilahukan ng humigit-kumulang 750 miyembro ng BIAF.

Ayon sa mga organizer, ipinakita ng dalawang aktibidad ang lumalawak na suporta para sa adbokasiya ng Bangsamoro Federalist Party sa iba’t ibang komunidad sa Bangsamoro, partikular sa pagsusulong ng pagkakaisa, kapayapaan, at partisipasyon sa pamamahala.

Binigyang-diin din ng mga dumalo ang kahalagahan ng sama-samang paninindigan upang maipagpatuloy ang mga layunin ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, kabilang ang pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan, maayos na pamamahala, at mas inklusibong pag-unlad sa rehiyon.

Nagpahayag din umano ng suporta ang mga opisyal at kasapi sa layunin ng partido na palakasin ang representasyon at boses ng mga komunidad sa Bangsamoro, lalo na para sa kapakanan ng mga pamilya ng mga mujahideen.