Nagpahayag ng taos-pusong pakikiramay ang Training Command ng Philippine Army sa pamilya, kamag-anak, at mga mahal sa buhay ng dalawang Candidate Soldiers na pumanaw habang nasa ilalim ng military training.

Kinilala ang mga nasawing sina Candidate Soldier Johndyl L. Lemosniro mula New Corella, Davao del Norte, at Candidate Soldier Junel L. Flores mula Lamitan City, Basilan, na kapwa nasa School for Candidate Soldier ng Initial Military Training Group sa Training Command, Philippine Army.

Batay sa ulat ng mga awtoridad at medical certificates mula sa attending physician, parehong nakaranas ang mga ito ng severe health complications na dulot ng matinding pisikal na pagsasanay sa ilalim ng mataas na temperatura.

Ayon sa medical findings, ang sanhi ng pagkamatay ay Exertional Heat-Related Injury o heat stroke, isang malubhang kondisyon kung saan nagkakaroon ng abnormal na pagtaas ng temperatura ng katawan dahil sa matinding init at pisikal na pagod.

Lumabas din sa pagsusuri na nagkaroon ng komplikasyon tulad ng electrolyte imbalance at pagbabago sa mental state gaya ng agitation, delirium, at seizures, na nauwi sa encephalopathy o pamamaga ng utak na naging sanhi ng kanilang pagpanaw.

Agad namang naisugod ang dalawa sa Camp O’Donnell Medical Treatment Facility matapos makitaan ng sintomas, kung saan sila ay binigyan ng emergency medical intervention kabilang ang airway support at endotracheal intubation. Kalaunan ay inilipat sila sa Tarlac Provincial Hospital para sa mas masusing gamutan, ngunit sa kabila ng lahat ng pagsisikap ng mga medical personnel, idineklara silang pumanaw.

Tiniyak ng Philippine Army ang kanilang patuloy na mahigpit na pagpapatupad ng safety protocols at medical procedures upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng lahat ng trainees.

Humihiling din ang Army ng panalangin para sa kapayapaan ng mga nasawing Candidate Soldiers at lakas para sa kanilang mga naiwang pamilya sa gitna ng mabigat na pagdadalamhati.