Dalawang natitirang miyembro ng Communist Terrorist Group o CTG ang kusang-loob na sumuko at isinuko ang kanilang mga armas sa Police Regional Office 10 o PRO-10 bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaan para sa kapayapaan.
Naganap ang pagsuko kahapon Hulyo 21 sa himpilan ng 1003rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 10 sa Sitio Colon, Barangay Halapitan, San Fernando, Bukidnon.
Kinilala ang dalawang sumuko bilang mga kasapi ng Militia ng Bayan na nasa ilalim ng Headquarters Force–North Eastern Operation ng North Central Mindanao Regional Committee.
Kasabay ng kanilang pagsuko ang pag-turn over ng dalawang improvised o homemade 12-gauge shotgun at limang bala ng 12-gauge shotgun.
Naging matagumpay ang operasyon sa tulong ng pinagsanib na puwersa ng RMFB 10, San Fernando Municipal Police Station, Bukidnon Provincial Intelligence Unit, Regional Intelligence Unit 10, PNP Intelligence Group, at iba pang yunit ng pulisya.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng 1003rd Maneuver Company ang dalawang dating miyembro ng CTG upang sumailalim sa debriefing, profiling, dokumentasyon, at iba pang kaukulang proseso.
Ayon kay PRO-10 Regional Director Police Brigadier General Christopher N. Abrahano, patunay ang boluntaryong pagsuko ng dalawa na unti-unti nang lumalakas ang tiwala ng mga nalalabing miyembro ng CTG sa mga programa ng pamahalaan para sa kapayapaan.
Dagdag pa niya, bawat armas na naisasuko at bawat indibidwal na pinipiling talikuran ang armadong pakikibaka ay malaking hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Northern Mindanao.

















