Huli sa akto ng magsasaka na si Omar Yusop na taga Sultan Kudarat Town, Maguindanao Norte na kinakatay ng dalawang suspek ang kanyang baka na ninakaw ng mga ito nitong Disyembre 8, linggo.

Sa ulat ng SKMPS, habang hinahanap ng naturang may-ari na si Omar ang nawawalang baka nito, laking gulat nito ng makita nito na nasa akto ng pagkatay ng kanyang alagang baka ang dalawang magnanakaw.

Dali-daling tumakas ang mga suspek ngunit naiwan nito ang kanilang mga personal belongings, dalawang kutsilyo na ginamit sa pangangatay, palakol at pulang motorsiklo na kung saan karga dito ang karne ng baka.

Malas lang ng dalawang suspek dahil agad silang nakilala base sa naiwan nilang mga gamit at sila ay pawang na taga Datu Odin Sinsuat. Sila ay sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-cattle Rustling Law of 1974 at pinaghahanap ang mga ito ng kapulisan.