Naglabas ng pampublikong paghingi ng paumanhin ang pulis na nasibak sa serbisyo matapos masangkot sa viral na insidente ng pananakit sa kanyang kinakasama sa Malolos City.

Sa kanyang pahayag, inamin ng dating pulis ang pagkakamali at humingi ng tawad sa mga taong nasaktan at nadismaya sa nangyari. Aminado rin umano ito na walang sapat na dahilan para sa kanyang nagawa, lalo na bilang isang miyembro ng Philippine National Police na inaasahang maging ehemplo ng disiplina, respeto, at proteksyon sa mamamayan.

Inako rin ng dating pulis ang responsibilidad sa takot, sakit, at kahihiyang idinulot ng insidente, partikular sa kanyang asawa at sa iba pang naapektuhan ng pangyayari.

Ayon pa sa kanya, bagamat nagsumikap umano siyang maitaguyod ang kanyang pangalan at propesyon mula sa hirap, hindi ito naging sapat na dahilan upang kalimutan ang tamang pagtrato sa pamilya at kapwa.

Iginiit din nito na nauunawaan na niya ngayon kung paano maaaring sirain ng isang maling desisyon ang tiwala ng publiko at maging ang sariling reputasyon.

Hindi rin umano siya umaasang agad siyang mapapatawad, ngunit nangako itong haharapin ang mga magiging konsekwensya ng kanyang ginawa at sisikaping magbago bilang tao.

Matatandaang relieved na sa pwesto ang naturang pulis at kasalukuyang nasa restrictive custody habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa viral CCTV incident.