Nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency–BARMM ang tinatayang P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu habang naaresto ang dalawang umano’y notoryus na tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Poblacion 6, Cotabato City ngayong Lunes, Agosto 3.
Pinangunahan ang operasyon ng Regional Special Enforcement Team (RSET) ng PDEA BARMM katuwang ang mga operatiba ng Philippine National Police Highway Patrol Group-BARMM, National Intelligence Coordinating Agency-BARMM, Philippine Coast Guard, Cotabato City Police Office–City Drug Enforcement Unit, at City Intelligence Unit.
Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na Lalang, 27-anyos na drayber, at Tamtax, 26-anyos na construction worker. Ayon sa PDEA, nagsasagawa umano ng bentahan ng ilegal na droga ang dalawa sa Cotabato City at maging sa mga karatig na bayan ng North Cotabato.
Nakumpiska sa operasyon ang isang knot-tied transparent plastic bag na naglalaman ng humigit-kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang standard market value na P3.4 milyon.
Narekober din sa mga suspek ang isang backpack, dalawang cellphone, isang berdeng multicab, iba’t ibang dokumento ng sasakyan, at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kaugnay ng pagbebenta ng ilegal na droga.

















