Nagbabala ang Iran laban sa mga sundalong Amerikano matapos magtakda ng pabuya para sa sinumang makakahuli o makakapatay sa mga ito.

Ayon sa state news agency ng Iran, inihayag ni Army Chief Amir Hatami ang reward program na nagkakahalaga ng 30-thousand US dollars o katumbas ng limang bilyong toman.

Mas mataas pa ang maaaring matanggap ng mga babaeng makakagawa ng naturang aksyon, dahil doble umano ang nakalaang pabuya para sa kanila.

Sinabi ni Hatami na nabuo ang programa matapos makatanggap ang militar ng maraming kahilingan mula sa mga Iranian na nais makilahok.

Gayunman, hindi nilinaw ng Iranian military chief kung may partikular nang lugar o panahon na itinakda para sa paghuli o pag-atake sa mga sundalong Amerikano.

Wala rin namang kumpirmadong presensya ng US ground forces sa Iran sa kasalukuyang digmaan.

Kabilang sa mga naitalang operasyon ng Amerika ang rescue mission noong Abril para sa isang Amerikanong piloto na napabagsak ang kaniyang eroplano.

Kasabay nito, iginiit ni Hatami na dapat nang umalis ang Estados Unidos sa Middle East at sinabing wala na umanong pahintulot ang Amerika na makapasok sa Persian Gulf, Gulf of Oman at Strait of Hormuz.