Arestado ang apat (4) na Chinese nationals sa magkahiwalay na operasyon ng mga awtoridad sa Zamboanga City at Zamboanga Sibugay dahil sa paglabag sa Philippine immigration laws at kaugnay na kasong pamemeke ng dokumento.

Ayon sa ulat, unang isinagawa ang operasyon noong Abril 14, 2026 bandang alas-9:00 ng umaga sa UNISALES, Gov. Camins Avenue, Zamboanga City sa bisa ng Mission Order No. 2020-136. Dito naaresto ang tatlong suspek na kinilalang sina Lin, 57-anyos; Xie, 54-anyos; at Qiu, 41-anyos, pawang mga mamamayang Chinese na mula sa Fujian, China.

Batay sa mga awtoridad, lumabas sa imbestigasyon na ang tatlo ay may paglabag sa Philippine immigration at public documentation laws at itinuring na undesirable aliens sa ilalim ng Section 3 ng Operations Order No. SBM 2014-048 dahil sa umano’y banta sa public interest at national security.

Samantala, isa pang operasyon ang isinagawa noong Abril 16, 2026 bandang alas-7:50 ng umaga sa 3 Dragon Hardware, Brgy. Lower Taway, Ipil, Zamboanga Sibugay, kung saan nadakip si Lin, alyas “Anson Lais Lim,” 52-anyos, na isa ring Chinese national.

Ayon sa ulat, natuklasan ng mga awtoridad na ang suspek ay nagpanggap umanong Pilipino upang makakuha ng mga government-issued IDs at corporate documents, dahilan upang sampahan siya ng kasong paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940 at falsification under the Revised Penal Code.

Nakumpiska rin sa naturang operasyon ang ilang umano’y ipinuslit na mga gamit, kabilang ang mga exotic animals.

Ang mga operasyon ay isinagawa sa pinagsamang pwersa ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), Bureau of Immigration Mindanao, Philippine National Police (PNP), at Joint Task Force ZAMPELAN.

Ayon kay Major General Yegor Rey P. Barroquillo Jr., Commander ng 1st Infantry Division, patunay ang magkakasunod na operasyon sa mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan at sa patuloy na kampanya laban sa mga lumalabag sa batas sa bansa.

Patuloy namang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang mga suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.