Apat na dating rebelde, kabilang ang tatlong kasapi ng Communist Terrorist Group at isang miyembro ng lokal na teroristang grupo, ang boluntaryong sumuko sa militar sa Barangay Kablon, Tupi, South Cotabato noong Hunyo 11, 2025.
Ayon sa 38th Infantry (We Clear) Battalion, ang mga sumuko ay nagdesisyong talikuran ang armadong kilusan dahil sa patuloy na pinaigting at pinalawak na operasyon ng militar sa kanilang mga dating kinikilusan. Kasama ng kanilang pagsuko ang pag-turn over ng ilang kagamitang pandigma.
Sa parehong araw, labing-isang loose firearms ang isinuko rin ng mga sibilyan sa militar. Kabilang sa mga ito ang isang 7.62mm M14 rifle, isang M16 rifle, isang M1D Garand sniper rifle, isang carbine, limang shotgun, isang Uzi, isang .22 caliber rifle, dalawang .38 caliber revolver, isang pistol-type shotgun, at iba’t ibang klase ng bala.
Iprinisinta ng Commanding Officer ng 38IB na si Lt. Col. Erwin E. Felongco ang apat na nagbalik-loob kay Col. Ronel R. Manalo, ang Commander ng 1st Mechanized Brigade. Ang seremonya ay ginanap sa himpilan ng 38IB at dinaluhan ng mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga dumalo sina Ms. Anisah A. Abubakar, LPE Head ng DSWD Region XII; Ms. Marivic Tubo, kinatawan mula sa LGU Polomolok; Hon. Reno Sobrepeña, Kapitan ng Barangay Koronadal Proper, Polomolok; at Police Lt. Col. Harold V. Cornel, Chief of Police ng Polomolok Municipal Police Station.
Matapos ang seremonya, agad na pinagkalooban ng cash assistance at food packs ang apat na nagsukong rebelde mula sa DSWD Region XII at sa mga lokal na pamahalaan ng Polomolok, Tantangan, at Banga.
Patuloy ang kampanya ng militar sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang hikayatin ang mga natitirang kasapi ng mga armadong grupo na magbalik-loob sa pamahalaan at mamuhay nang mapayapa.