Isang matagumpay na peace settlement ang nagpatigil sa matagal nang rido sa Barangay Tugal, Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur, na itinuturing na malaking hakbang tungo sa kapayapaan sa komunidad.
Nagkasundo ang mga pamilyang Salat at Gani na wakasan ang kanilang hidwaan matapos ang serye ng diyalogo sa tulong ng lokal na pamahalaan at mga security forces.
Aktibong nakibahagi sa proseso ang 2nd Mechanized Infantry (Makasag) Battalion ng Philippine Army sa pangunguna nina Capt. Mark Jerusalem R. Deveza ng 23rd Mechanized Company at 2LT Victoriano S. Ainza Jr., bilang suporta sa peacebuilding efforts sa lugar.
Pinangunahan ng LGU Sultan sa Barongis sa ilalim ni Mayor Datu Allandatu Angas ang pagkakasundo, katuwang si Barangay Tugal Chairman Suharto Talintam, mga kinatawan ng MPOS, ilang MILF commanders, at iba pang lokal na lider at community stakeholders.
Ayon sa mga awtoridad, ang kasunduan ay patunay ng epektibong pagtutulungan ng militar, LGU, at komunidad sa pagresolba ng sigalot sa mapayapang paraan at pagpigil sa posibleng karahasan.
Tiniyak naman ng Philippine Army ang kanilang patuloy na suporta sa mga inisyatibang naglalayong palakasin ang kapayapaan, katatagan, at kaunlaran sa Mindanao.

















