Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa pamamaril na naganap sa Barangay Kadayangan, Special Geographic Area (SGA), BARMM noong umaga ng Hunyo 2, 2026, na ikinasawi ng apat na katao at ikinasugat ng apat pa.

Batay sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-8:40 ng umaga. Kinumpirma ng pulisya na nasawi sa pamamaril sina Musalik Talusan Balang, Haron Boliongan, Romeo Lombo, at Abdul Harudin Samad. Samantala, apat pang sugatan ang nananatiling nagpapagaling at patuloy na ginagamot sa pagamutan.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay PCapt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), isa sa mga pangunahing anggulong sinusuri ng mga imbestigador ay ang posibilidad na may kaugnayan sa ilegal na droga ang krimen.

Paliwanag ni Salanguit, lumalabas sa paunang imbestigasyon na ilan sa mga nasawing biktima ay umano’y sangkot sa ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa droga. Posible rin umanong nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga biktima at ng mga suspek na maaaring nagbunsod sa madugong insidente.

Gayunman, patuloy pa ring kinakalap ng pulisya ang mga ebidensya upang matukoy ang tunay na motibo at pagkakakilanlan ng mga responsable.

Sa isinagawang pagproseso ng crime scene, nakarekober ang mga awtoridad ng mga basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa mga armas na gumagamit ng 5.56 caliber. Nakakita rin ang mga imbestigador ng ilang drug-related paraphernalia sa lugar ng insidente, na lalo pang nagpapatibay sa isa sa mga anggulong kanilang sinusuri.

Samantala, nanawagan si PCapt. Salanguit sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyong maaaring makatulong sa pagpapatuloy ng imbestigasyon. Tiniyak naman ng pulisya na mananatiling kumpidensyal at ligtas ang pagkakakilanlan ng mga impormante.

Patuloy ang operasyon at follow-up investigation ng mga awtoridad upang mabigyang-linaw ang insidente at mapanagot ang mga nasa likod ng pamamaril.