Nagbigay-pugay ang Maguindanao del Sur Provincial Police Office sa limang pulis na nasawi sa pananambang sa Shariff Aguak bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan, katapatan sa tungkulin, at sukdulang sakripisyo sa serbisyo.
Sa pangunguna ni PCOL Michael John C. Mangahis, muling ginunita ng kapulisan ang insidente kung saan nasawi ang limang police personnel habang nagsasagawa ng peace and order operations at community security patrols sa naturang lugar.
Batay sa ulat, tinambangan ng mga armadong lawless elements ang grupo habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Sa kabila ng biglaang pag-atake at pagiging dehado, ipinakita umano ng mga pulis ang tapang at paninindigan hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay.
Kinilala ang mga nasawing pulis na sina Police Staff Sergeant Akmad Asnuri Amilbangsa, Police Corporal Redwan Abubakar Sahed, Patrolman Al-Fatah Candao Marohom, Patrolman Alrisnal Pahilagao Sibih at Patrolman Kenneth Daryl Bugas Perocho.
Sa mensahe ng kapulisan, inilarawan ang “Gallant Five” bilang mga tunay na lingkod-bayan na nag-alay ng buhay upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lalawigan.
Kasabay nito, tiniyak ng Maguindanao del Sur PPO ang patuloy na paghahangad ng hustisya upang mapanagot ang mga responsable sa naturang karumal-dumal na insidente, kasabay ng pagpapatuloy ng kampanya para sa kapayapaan sa rehiyon.
















