Anim na dating miyembro ng isang violent extremist group ang nagbalik-loob sa pamahalaan kasabay ng boluntaryong pagsuko ng 24 na loose firearms sa isinagawang aktibidad sa himpilan ng 1st Mechanized Infantry (Lakan) Battalion sa Barangay Midtimbang, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur kahapon Hulyo 29.
Pinangunahan ni 1st Mechanized Infantry Battalion Commanding Officer Lieutenant Colonel William Sabado ang presentasyon ng mga nagbalik-loob at mga isinukong armas kay Brigadier General Edgar L. Catu, Assistant Division Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Commander ng 601st Infantry Brigade.
Sa kabuuang 24 na baril na naisuko, pito ang nagmula sa Talayan, pito sa Guindulungan, apat sa Datu Anggal Midtimbang, habang anim ang isinuko ng mga dating miyembro ng violent extremist group bilang bahagi ng kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan.
Bilang suporta sa kanilang reintegration, tumanggap ang mga nagbalik-loob ng agarang rice at cash assistance mula sa mga lokal na pamahalaan, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Ministry of Social Services and Development (MSSD-BARMM), at Ministry of Public Order and Safety (MPOS-BARMM).
Ayon sa 601st Infantry Brigade, simula noong 2025 ay nakapagrecover at nakapagpakolekta na sila ng kabuuang 747 high-powered firearms sa tulong ng kanilang mga subordinate units, kabilang ang 90th Infantry Battalion, 34th Infantry Battalion, 38th Infantry Battalion, at 1st Mechanized Infantry Battalion. Patuloy rin umano ang pagdami ng mga dating kasapi ng violent extremist groups na kusang nagpapasyang magbalik-loob sa pamahalaan.
Sinabi ni Brigadier General Catu na ang patuloy na pagsuko ng mga armas at pagbabalik-loob ng mga dating miyembro ng armadong grupo ay nagpapakita ng lumalakas na tiwala ng mamamayan sa pamahalaan at ng epektibong pagtutulungan ng militar, mga lokal na pamahalaan, at mga komunidad sa pagsusulong ng kapayapaan. Dagdag pa niya, ipagpapatuloy ng 601st Infantry Brigade ang pagpapatupad ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program upang mapanatili ang seguridad at matiyak ang mapayapa at ligtas na pagdaraos ng kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections.
Samantala, nanawagan naman si Acting Western Mindanao Command Commander at 6th Infantry Division Commander Major General Jose Vladimir R. Cagara sa mga natitira pang miyembro ng armadong grupo at mga nagmamay-ari ng loose firearms na samantalahin ang pagkakataong magbalik-loob at boluntaryong isuko ang kanilang mga armas bilang suporta sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.

















