Kinondena ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang insidente ng pamamaril na ikinasawi ng dalawang miyembro ng 7th Infantry (Tapat) Battalion kahapon Setyembre 23, 2026 sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Ayon sa pahayag ng 6ID/JTFC, isang hindi katanggap-tanggap at anila’y duwag na uri ng karahasan ang nagresulta sa pagkamatay ng dalawang sundalo.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang 6ID/JTFC sa mga pamilya, mahal sa buhay at mga kasamahan ng dalawang nasawing sundalo.

Nanawagan naman si Brigadier General Ricky P. Bunayog, Acting Commander ng 6ID/JTFC, sa publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagbibigay ng kaugnay na impormasyon upang matukoy ang mga responsable at mapanagot sa batas.